Isang Upuan

© Benedik Bunquin

Sapagkat iilang oras na lamang ang nalalabi para sa Buwan ng Wika ng aking Inang Bayan, marapat lamang na mayroon akong maibahaging nakasulat sa Filipino rito.

Gayunpaman, ang aking ibabahaging akda ay isinulat ng isang ginoong nagngagalang Roi Pangyarihan, ang aking matalik na kaibigan (at kung sinusubaybayan mo ang mga kung anu-anong pinagsasabi ko rito, makikita mong nabanggit ko na siya nang walong milyong beses). Ang akdang ito ay isinumite niya sa kanyang asignaturang Malikhaing Pagsulat 10.

Naririto ang akdang ito dahil hindi pa rin ako makapaniwalang nagagawa palang makarating ng aking mga isinusulat sa inaasam kong destinasyon: ang mambabasa.

***

“Ang Paborito kong Manunulat”

          Hindi talaga ako mahilig magsulat at magbasa.

Hindi ako mahilig magsulat at magbasa mula noong bata pa ako. Marami kaming binasa noong nasa elementarya pa ako ngunit ni isang akda o manunulat ay walang tumatak sa isip ko. Kaya mainam na mag-iskip na tayo papuntang hayskul.

Nasa ikatlong taon ako ng hayskul nang una kong makilala ang paborito kong manunulat. Oo, nakilala ko siya. Close pa nga kami e. Marahil – ay mali pala- nakasisiguro akong hindi niyo siya kilala. E kasi naman, ang tinutukoy ko ay isang kaklase ko sa hayskul. Sjerlive ang kanyang pangalan.

Hindi talaga ako mahilig magsulat at magbasa… noon. Wala naman kasing nagpakilala sa akin sa mundo ng panitikan. Ni minsan ay hindi ko nakitang magbuklat ng aklat si Inay o si Itay. May mga mahuhusay naman akong guro sa mga asignaturang Filipino at English, subalit wala sa kanilang nakapagpadama sa akin na dapat akong magbasa at magsulat nang higit pa. Ang nakapagdulot sa akin noon ay ang paborito kong manunulat na si Sjerlive.

Kay Sjerlive ko unang nakita kung sino ang isang manunulat. Bilib ako sa kanya. Bilib ako sa angking galing niya sa pagsusulat. Higit pa roon, bilib ako sa pagmamahal niya sa pagsusulat. Tuwing nagbabasa ako ng kanyang mga gawa, kinikilabutan ako. May kakaibang kapangyarihang nababalot sa kanyang mga isinusulat, na sa bawat salitang aking nababasa ay mas lalo kong nadarama ang pagsinta niya sa gawaing iyon. Siya rin nga pala ang nakapagpahilig sa akin na magbasa at paminsan-minsa’y magsulat. Pinaunawa niya sa akin na sa pagbuklat ko ng bagong librong babasahin o sa bawat paggamit ko ng papel at panulat ay binubuksan ko rin ang isang bagong mundong pinamamahayan ng marami at walang hangganang mga posibilidad.

Siya ang paborito kong manunulat sapagkat nakikita ko ang pagmamahal niya sa pagsulat; kung paano niya isinasantabi ang ibang mga bagay para lamang maisulat ang iilang mahiwagang linyang sumasagi sa isipan niya, kung paano niya pinipiling mapag-isa para lamang magawa ito, at kung paanong sa pag-iisang ito’y kanyang naibabahagi ang isa pang parte ng kanyang pagkatao gamit ang pagsusulat.

Ang manunulat ay dapat alam ang mga elemento ng maikling kwento, mga uri ng panitikan, at iba pang mga teknikal na bagay, pero given na yon. Ang manunulat din ay dapat minamahal ang pagsulat, pero siyempre given na rin yon. Para sa akin, ang pinakamahalagang katangian ng manunulat, na higit pa sa pagmamahal sa pagsulat, na maari namang sa salita rin lamang at hindi naman totoo, ay dapat naipadarama niya sa mga mambabasa ang pagmamahal na iyon gamit mismo ang kanyang mga akda, dahil kung tunay ang kanyang pagmamahal ay masasalamin iyon sa kanyang mga isinusulat.

Segue lang, si Sjerlive nga pala ay best friend ko, at hanggang ngayon, kahit medyo mahilig na rin akong magbasa at marami-rami na kong nakilalang mga manunulat (dahil na rin sa kanya), siya pa rin ang paborito kong manunulat.

***

Nakatutuwang isipin na mayroon palang nagbabasa sa mga salitang inihahain ko rito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s