Larawan sa Arawan

Hindi ko alam kung anong nangyari noong unang beses kong nasulyapan ang mundo. Kapag pinaaandar ko ang aking imahinasyon, ang unang pumapasok sa aking isipan ay liwanag. Ito ang eksena:

Isang mamula-mulang sanggol ang iiyak. Ito ang kanyang unang iyak, ang kanyang unang lunok ng hangin. Papatahanin siya at pupunasan upang mawala ang balot ng dugo. Mumulat ang kanyang mumunting mga matang kulay ng pinaghalong kape’t gatas. Pipikit muli, nasisilaw sa nakabubulag na liwanag. 
Nagsisimula pa lang ang lahat.

Liwanag. Ito ang una’t huling makikita ng tao sa kanyang makamundong buhay. Ito ang pinagmulan at ang hahantungan. Ito ang pumupuno sa malalaking espasyo ng kadiliman.

Sumisikat ang araw. Walang palya. Dala nito ang lakas na ginagamit ng sangkatauhan upang magpatuloy sa mga gawain. Higit pa rito, dala ng araw ang liwanag na nagtatanim ng pag-asa sa bawat tao. Maging bata man o matanda. Kahit pa siguro ang hindi nakakakita, nararamdaman ang pag-asang ito na bumabalot sa paligid niya, parang hangin.

Ganito nagsisimula ang araw ko: sa paghahanap ng liwanag. Ayon nga sa isang artikulong nabasa ko tungkol sa pagtulog, nagigising ang tao kapag nararamdaman na ng katawan ang mga bakas ng bukangliwayway, ang unang tama ng mga sikat ng araw. Bilang ako’y isang estudyante, kinasusuklaman ko rin minsan ang liwanag. Bakit kay bilis nitong dumating sa mga gabing kakarampot lamang ang aking tulog? Bakit nariyan na naman ang araw na sisikat sa lahat ng hirap na pagdaraanan ko ngayon? Hindi ba puwedeng konting oras pa ng dilim, ng pahinga?

Gayunpaman, hindi ko maitatanggi na paborito ko pa rin ang liwanag. Kung wala ito, hindi natin makikita ang makulay na mundo. At kung walang mga kulay, wala nang koneksyon sa mga emosyon. Wala nang asul kung nalulungkot o pula kung umiibig. Wala nang dilaw kung masaya. Wala nang berde para sa kalikasan. Napakaraming mawawala kung wala ang liwanag.

At dahil nga paborito ko ang liwanag, madalas ay kinukunan ko ito ng litrato. Sinusubukang gawing mga mata ang lente upang maipakita sa iba ang halaga ng liwanag sa akin.

May mga araw na wala akong masabi. Kumakaripas papalayo ang mga salitang pilit kong hinahabol. Sa slang ng mga estudyante ngayon, “sabaw” siguro ang tawag sa ganito. Pero hindi rin. May mga araw lang talaga na ang lahat ay parang isang papel na kinusot sa loob ng iyong palad.

Ikaw ang bahala kung itatapon mo ito sa basurahan o hindi.

Nakapasa ka sa UPCAT. Nalaman mong gusto ka rin ng taong ginugusto ng puso mo. Pumasa ka sa isang napakahirap na subject. May nagpapahalaga sa’yo. Wala ring eksaktong mga salita para sa mga ganyang pangyayari. Basta ang pakiramdam mo ay parang may paputok na sinindihan sa loob mo, at nag-aalab ka. Napakagandang pakiramdam. Sabi nga sa isang kanta ng The Beatles: “There’s nothing you can’t do that can’t be done.” 

Kahit ano pa ‘yan, kaya mo ‘yan.

Palubog na ang araw. Tila hinigop na lahat ng lakas sa iyong sistema at ni isang patak ay walang natira. Ang liwanag ay unti-unting kinukubli ng dilim, parang “pack away” ng mga bata matapos maglaro. Pero hindi lang tayo naglalaro, at ang bawat araw ay hindi biro.

Sa ganitong oras, ubos na ang iyong pasensya. Bubusina ka nang malakas sa kalagitnaan ng rush-hour traffic. Palipat-lipat ng istasyon sa radyo dahil walang matapos na kanta. Kakatok ang mga daliri sa dashboard, paulit-ulit, para hindi mabagot. Hindi ka makapaghintay na makauwi. Ah, pero sa iyong pagdating, ano o sino ba ang naghihintay? Masarap na hapunan. Nakangiting mga bata. Ang Xbox 360 mo. Pahinga.

Darating din tayo sa ating paroroonan. Habang hinihintay mo ang pagdilim, ‘wag mong sayangin ang paghihintay. Sabi nga ni Ralph Waldo Emerson: “Life is a journey, not a destination.”

Gabi na. Sa wakas, ang ating pinakahihintay na pahinga. Hindi ka ba napapaisip kung bakit may mga taong hindi makatulog nang bukas ang ilaw? Sa tingin ko, simple lang ang sagot diyan: Tila umaga kasi. At ang umaga ay hindi nakalaan para sa pagpapahinga.

Kaya nilikha ang gabi. Para sa pahinga. Ito ang linggo ng bentekuwatro oras mo.

Bagama’t paborito ko ang liwanag, hindi nangangahulugan na ayoko sa dilim. Sa katunayan, mahalaga ito sa akin. Kung wala ito, hindi natin makikita ang tunay na kagandahan ng liwanag. Parang negative space, kumbaga. Maaari ring ituring ito na Yin at ang liwanag ang Yang.

Ang relasyon ng liwanag at dilim sa isa’t isa ay hindi iyong magkasalungat, kundi iyong tipong kumukumpleto sa isa’t isa. Hindi magkakaroon ng liwanag kung walang dilim, at hindi magkakaroon ng dilim kung walang liwanag.

© Abiel Catalan
© Abiel Catalan
© Patricia Ticse

May mga bagay sa buhay natin na, kahit anumang gawin natin, ayaw nating bitiwan. Napakahirap. Umaabot sa punto na binibitin natin ang mga bagay, upang pahabain ang oras, upang nakawin ang konting panahon. Parang si Queen Scheherazade. Konti pa, baka sakaling maging iyo na. Sandali na lang, papakawalan ko na kapag handa na ako.

Kailan pa?

Hindi madaling ilarawan sa salita ang pagbitiw sa isang bagay o tao na napakahalaga sa’yo. Ano pa kaya ang gawin na talaga ito?

Ang buhay ko ay punung-puno ng pagpapakawala. Mga lobong nabitiwan at lumipad papataas sa langit. Mga laruang nasira. Mga importanteng bagay na nawala.

Ngunit sa dulo, natutunan ko na may mga nawawala para magkaroon ng espasyo sa mga paparating. Parang gadget lang ‘yan. Kailangang magdelete na kapag “Memory Full”.

Parang ang dilim na nawawala para kay liwanag, at ang liwanag na nagtatago ‘pag dilim.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s